.
Add Entry

Kapahamakan kapalit ng dolyar PDF Print E-mail

 

Ni Sol Banganan

Kung ikaw ay mahilig mamasyal sa Wan Chai, tiyak na hindi makakatakas sa iyong paningin ang napakalaking pagbabago na nagaganap doon. Mahigit tatlong dekada ng hang-out ito ng mga OFW sa kanilang holiday... magmula sa mga naghahanap ng goodtime, hanggang doon sa ang hanap ay datung o papa. Ngunit nitong nakalipas na dalawang taon, parang kabuteng nagsulputan ang mga propesyunal na prostitutes o sa palasak na salita, `tatsing o prosti, sa mga kalyehon, at bars doon. At kung pagbabasehan ang kanilang mga kilos, masasabi mong hindi sila biktima ng human trafficking kundi mga kusang pumarito upang kumita ng dolyar.

Kasabay ng pagbabagong bihis ng Wan Chai ay ang pag-iiba rin ng tingin ng mga tao sa mga Pinay na tumatambay doon. Bukod sa mas daring silang manamit at pumorma, mas malalaki din ang kanilang mga dibdib, dahilan para sabihin ng ilang mga istambay dito na ito yung mga prosti na kumita na dahil may pampa-"gawa."

Mas matatapang din sila kesa sa kanilang mga OFW counterparts. Napabalita noong isang taon ang pakikipagtarayan ni Dina Bonevie sa isang chiching na diumano'y kinalolokohan ng American boyfriend niyang nakabase dito.

Kapansin-pansin din ang pagdami ng mga bakla sa Wanchai. Hinihunuha ng mga miron na malamang na dumami pa lalo ang maglaladlad dulot ng walang kiyemeng pagsabi ni Rustom Padilla ng "I am gay!." Katulad din ng kanilang mga tunay na babaeng kabaro ang sitwasyon ng mga bakla dito. Marami din ang galing sa Japan, at kung titigang mabuti ay walang panama ang mga tunay na babae sa ganda.

Marahil kung hindi dahil may mahigit 120,000 OFW dito, mababansagang "Hongkongyuki" ang mga babaeng pumaparito ngayon kagaya noong kasagsagan ng mga prostis na yuki sa Brunei at Japan. Nitong mga nakalipas na mga buwan, nadadalas na rin sila sa iba pang bahagi ng Hong Kong gaya ng Tsim Sha Tsui at Mong Kok.

Gaya ng maraming mga Pinoy, ang mga prosti ay nangingibang bayan para kumita. Ang nakapagtataka lang ay kung paano nila nagagawang lusutan ang immigration sa Pilipinas, at lalong higit dito sa HongKong kung saan napakahigpit nila pagdating sa pagsipat sa mga turistang di kanais-nais.

Kung ang Pilipinas ang pag-uusapan ayon kay May na isa sa mga prosti sa Wan Chai, hindi na kailangang mag-isip pa. "Ipitan mo lang ng P500 ang passport mo, lusot ka na," anya. Na maaring sedundahan naman ng mga miron ng " the law in the Philippines is flexible".

Ang mas nakakapagtaka ay kung paano nila nagagawang lusutan ang mga tauhan ng Hong Kong. Ayon kay Tiyo Paeng, kuto-kuto ng Wan Chai sa loob ng mahigit 20 taon at kaibigan din ng maraming prosti, "Alam mo naman ang mga Pinoy, matatalino, kayang-kayang lusutan ang kahit sino."

Isang patunay ay si Tiyo Paeng mismo, na alam na alam kung paano makakalusot sa batas dito. "Huhulihin ka lang naman ng mga pulis kung magso-solicit ka ng sex sa kanila mismo, pero kung naglalakad ka lang diyan, di ka nila pakikialaman kahit pa alam nilang hostes ka."

Pinatotohanan naman mismo ito ni Cathy, dating Japayuki. Ayon sa kanya, mula ng maghigpit ang bansang Hapon sa mga tnt (tago nang tago), sinubukan niya ang swerte niya dito.

"Noong una, panay ang exit ko sa China at pag tinatanong nila kung ano ang sadya ko, sinasabi kong buy and sell. Ngunit masyado ng gasgas yon kaya naghanap ako ng puti na may legal na trabaho dito. Bale kinukop niya ako at sinasamahan niya ako sa China pag nag-eexit ako kasi mas madali kang makalusot pag may sponsor ka. Siyempre ang kapalit ng pagkupkop niya sa akin ay libreng sex anytime na gusto niya. Sa set-up namin, pareho kaming nakikinabang".

Si May naman ay alaga ng isang Intsik. Noong una, tourist visa ang kanyang ginagamit, at nag-eexit siya sa China tuwing mauubos na ito. Ngunit nung lumaon ay nahihirapan na siyang magbigay ng dahilan sa immigration. Tiyempo namang may isa siyang parukyanong Intsik na nag-offer ng kasal kapalit ng $20,000.

"Sinunggaban ko na lang yun, bale nakatira ako ngayon sa isang boarding house kasama ng mga stay-out na DH. Minsan pinupuntahan ko din sa bahay niya ang mister ko pag kailangan niya ang serbisyo ko; kailangan e, kasi marami akong binubuhay na mga kaanak."

Idinagdag pa niya na dati ay sa may Bulacan siya nagtrabaho bilang waitress at sideline lang niya ang pagiging prosti.

"Nag-Hong Kong kasi yung kaibigan ko at naengganyo naman ako. Pareho lang naman ang gagawin ko dito at dun sa Pinas, at least dito dolyar ang kita, at di hamak na mas madaling pumunta dito kesa sa Japan. Sa loob ng dalawang taon, nabawi ko na yong $20,000 na ipinambayad ko sa mister ko kuno.."

Ayon sa Konsulado ng Pilipinas, maraming mga sex workers dito ay mga biktima ng human trafficking bagama't mahirap matantiya kung ilan sila talaga. Paulit-ulit nilang pinapa-alalahanan ang mga inaalok na magpunta dito o sa Macau bilang mga "entertainer" na mag-ingat mabuti dahil ang marami ay pag ho-hostess ang binabagsakan.

Bagama't tinatayang mas nakararami pa rin ang hindi pa lumalantad, meron na ring tumatakbo sa Konsulado.

Ayon kay Vice Consul Kira Danganan, "Actually, hindi lang dito sa HK,mga two months ago merong dalawang based sa Macau na tinulungan namin. Noong nag-aapply pa lang daw sila sa atin sinabi nung recruiter na magtatrabaho sila sa massage parlor, then pagdating doon ginawa silang prostitutes. Nung nagkatyempo, tumakas sila't lumapit sa isang Filipino organization na siyang tumulong sa kanilang pumunta sa amin. They stayed under our custody hanggang sa makauwi sila."

Sinabi din niya na kung walang passport ang mga biktima, na siyang kadalasang nangyayari dahil sa hawak ng mga recruiters, ginagawan ng Konsulado ng paraan upang makauwi sila. Binibigyan sila ng panibagong dokumento at kung walang tiket, ay hinihingan nila ng pambili ang Department of Foreign Affairs.

Kung malakas naman ang loob ng biktima na magturo kung sino ang nagpadala sa kanila dito, "All we can do is to document, then we have to forward it to Manila, to NBI, then sila na yong bahalang gumawa ng aksiyon doon. Doon kasi naganap yung pagre-recruit so dun din maipa-file ang case. Pero kung Intsik ang suspect, nakikipag-ugnayan kami sa local police. The truth is we are prepared, we have this anti-trafficking program but wala kaming ia-address kung walang nagrereklamo. Karamihan kasi ng humihingi ng tulong sa amin ay di sinasabi kung sino ang mastermind, takot daw silang mabalikan ang pamilya nila sa Pilipinas dahil alam ng mga ito kung saan ang bahay nila. E kung ganyan parati talagang wala tayong mahuhuli," pagtatapos ni Vice-Consul Danganan.

Bukod sa Konsulado, marami rin ang lumalapit sa mga shelter homes na pag-aari ng mga non government organizations or NGOs.

Isa sa mga ito ang Bethune House sa may Jordan. Ayon sa executive director ng shelter na si Edwina Santoyo, "Mula nung mag-umpisa kami may one hundred na kaming na rescue or lumapit sa amin directly after tumakas sa brothel."

Halos pare-pareho daw ang kwento ng mga ito, umiikot lang sa receptionist, chambermaids, cashier at saleslady ang sinasabi ng mga recruiters na magiging trabaho nila pagdating dito, at yong iba naman, kunwari ay inaampon ng mga Intsik. Idinagdag din niya na kadalasang ang recruiter ang sumasagot sa mga gastusin ng aplikante mula pasaporte hanggang air ticket, pero meron ding iba na isasanla kahit bahay makarating lang dito.

" Once they are here, dinadala sila sa mga hostels or flats sa Mong Kok, Shamshuipo or Wan Chai. May bantay sila at di sila basta-basta nakakalabas. May qouta silang 35 na customers bawat gabi upang mabawi yong gastos ng recruiter at yong iba ay para sa pagkain, pambili ng damit etc.. ang buong kita ay sa Pilipinas na nila makukuha at kung magsumbong sila, di na nila makukuha pa yon." dagdag pa nito.

Sa tingin niya ay hindi masyadong gumagawa ng paraan ang ating gobyero upang lutasin ang problemang ito. "Government action is very minimal at tingin ko ay hindi talaga seriously mino-monitor at na-aaddress ang usaping ito."

Ayon sa kanya, may isa raw na lumapit sa Konsulado, pero sinabihang tumakas uli pag dala na ang mga dokumento niya. At kung tatakas ulit ay sa Bethune tumawag. "Kaya minsan kahit 5 a.m. ay pinupuntahan namin at nire-rescue ang biktima." pagtatapos ni Edwina.

Pero mukhang naiiba na ang kalakaran ngayon sa Wan Chai dahil marami sa mga prosti dito ay aminadong kusa silang pumarito para maghanap ng pera o datung.

Si Mang Badong na dating isang bugaw ay ganito rin ang sinasabi. Hinding-hindi daw nila pinipilit ang mga babae na maging sex worker. Bagama't may mangilan-ngilan ding kaso kung saan sinasabi ng mga recruiters na sila ay mamamasukan dito bilang mga waitress, 99% daw ng mga Pilipinang nandito ay alam ang kanilang papasukan bago pa sila sumakay ng eroplano patungong HK.

"Nagkakatalo lang yan sa hatian o komisyon at kahit ano basta pera lang yan, kaya may tumatakas," aniya. "May kakilala nga ako e, nagsumbong sa Konsulado ngunit makalipas lang ang ilang buwan bumalik na naman at ngayon ay nagsosolo na lang siya, wala ng humahawak sa kanya."

Victim o willing victim? Sa isang banda, hindi marahil ito ang mahalaga, kundi ang paano matulungang makaahon ang mga Pilipinong bumagsak sa ganitong propesyon.

Ang totoo niyan, ang mga prosti na ito ay may mga pangarap din, dahil sino ba naman ang may gusto na tumihaya ka na lang ng tumihaya sa isang taong hindi mo gusto? Pwera pa dito ang katotohanang maari silang makakuha at maging tagapasa ng mga sexually transmitted diseases gaya ng herpes, syphillis, gonnorhea, HIV at AIDS.

Kung ating susuriin, iisa lang ang dahilan kung bakit nila naisipang pasukin ang trabahong isinusuka ng karamihan nilang kababayan, ang kahirapan. Maaring mali ang pinili nilang paraan ng pagkita ng pera nguni't kung ang pagbabasehan ay ang kahirapan ng ating bansa ngayon, marami pa tayong mga kakilala, kapatid, kaibigan, ate, nanay at kababayan na magpupursiging pumunta dito sa Hong Kong para magbigay-aliw kapalit ng dolyar.

 

Article Source:

http://hkbigmind.blogspot.com/

 





Reddit!Del.icio.us!Google!Live!Facebook!Slashdot!Netscape!Technorati!StumbleUpon!Spurl!Wists!Simpy!Newsvine!Blinklist!Furl!Blogmarks!Yahoo!Smarking!BlinkBits!linkaGoGo!Free social bookmarking plugins and extensions for Joomla! websites! title=
 
< Prev   Next >